Patutunayan ng "Maalala Mo Kaya" ngayong Sabado (Mayo 26) na talagang 'it's more fun in the Philiippines' dahil hindi lang basta de-kalibreng drama ang handog nito sa mga manonood kundi maging ang mga nakamamanghang likas na yaman ng bansa, partikular na sa probinsya ng Masbate kung saan idinaraos taun-taon ang maaksyong kompetisyon na 'Rodeo Masbateño.'
Ang 'Rodeo' episode ng "MMK" ang kauna-unahang programa sa telebisyon na kinunan ang kabuuan sa nasabing lalawigan tampok ang mga makapigil-hiningang tanawin at nakaaaliw na makalumang tradisyon na bihira nang masilayan sa Kamaynilaan at sa iba pang mga siyudad sa Pilipinas.
Sesentro ang kuwento ngayong Sabado sa kauna-unahang 'rodeo queen' ng Masbate na si Gemma Layson na gagampanan ng Pinoy Big Brother Teen Edition 3 ex-housemate na si Yen Santos. Bagama't labis ang kagustuhang makapagtapos ng pag-aaral, hindi pinalad si Gemma na tuparin ang pangarap dahil sa kawalang suporta ng kanyang ama. Ngunit dala nang determinasyong makuha ang respeto ng kanyang ama at magbigay karangalan sa pamilya, pinili ng dalagang sumabak sa peligrosong 'Rodeo Masbateño' na sinasalihan ng pinakamahuhusay na cowboys sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Hanggang saan nga ba kailangang patunayan ng isang anak ang halaga niya sa kanyang pamilya? Paano nga ba ang kumapit sa isang pangarap?
Kasama ni Yen sa "MMK" episode sina Akiko Solon, Snooky Serna, at Juan Rodrigo. Ito ay sa ilalim ng pagsasaliksik ni Akeem Jordan del Rosario, panulat ni Benson Logronio, at sa direksyon ni Nuel Naval.
Huwag palampasin ang isa na namang markadong family drama ngayong Sabado ng gabi sa longest-running drama anthology ng Asya, ang "Maalaala Mo Kaya" (MMK), pagkatapos ng "Wansapanataym." Para sa iba pang updates, mag log onsawww.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-"like" angwww.faceboook.com/MMKOfficial. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment