Daan-daang overseas Filipino workers ang pinaluha kamakailan nila Jake Cuenca, Bangs Garcia, at Shaina Magdayao sa ginanap na special advance screenings ng kauna-unahang 'OFW-serye' sa Pilipinas, ang "Kung Ako'y Iiwan Mo" sa iba't ibang bahagi ng Middle East kabilang ang United Arab Emirates, Kuwait, Kingdom of Saudi Arabia, at Doha, Qatar.
Dumayo mismo sina Jake, Bangs, at Shaina sa Middle East upang personal na imbitahan at pasalamatan ang mga OFW na silang pangunahing inspirasyon ng kanilang teleserye.
"Sana po magustuhan ninyo ang ginawa naming teleserye para sa inyo," mensahe ni Jake sa mga OFW na dumalo sa special screening na inorganisa ng The Filipino Channel (TFC). "Gusto po naming maipakita, lalo na sa mga nasa Pilipinas, ang istorya ng paghihirap at pagtitiyaga ninyong mga nagtatrabahao sa ibang bansa."
Matapos ipalabas ang mga unang episode ng "Kung Ako'y Iiwan Mom," halo-halong emosyon ang naramdaman ng mga manonood dahil sa makatotohanang pagsasabuhay ng mga nagaganap sa Middle East—may mga natuwa, naiyak, natawa, at naka-miss ng mga mahal nila sa buhay na nasa Pilipinas.
Samantala, mas kapanapanabik na ang mga kaganapan sa kuwento ng mag-asawang sina Paul (Jake) at Sarah (Shaina), lalo na't napagdesisyunan na nilang pumisan sa pamilya ni Paul. Hindi tulad ng ibang manugang na walang imik sa pang-aapi ng kanilang biyenan, palaban si Sarah sa biyenan niyang si Remedios (Gloria Diaz). Sa kanilang pagbabangga, sinong papanigan ni Paul?
Kasama rin nila Jake, Bangs, at Shaina sa "Kung Ako'y Iiwan Mo "sina Gloria Diaz, Sandy Andolong, Maria Isabel Lopez, Ronnie Lazaro, Dick Ysrael, Nikki Valdez, Jojit Lorenzo, Ron Morales, at David Chua. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Manny Palo at Lino Cayetano.
Huwag palampasin ang kuwento ng bawat OFW saan man sa mundo, "Kung Ako'y Iiwan Mo" pagkatapos ng "Mundo Man ay Magunaw" sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN. Para sa karagdagang updates, mag-log on sa www.abs-cbn.com o sundan and @abscbndotcom sa Twitter. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon