Aarangkada na ang "Bayan Mo, iPatrol Mo: Tayo Na," ang kampanya para sa 2013 halalan ng ABS-CBN News and Current Affairs, hindi lang para mas lalong maihanda ang publiko sa gagawing pagluklok ng mga bagong lider ng bansa kung hindi para mahimok ang mas maraming indibidwal na magsama-sama para makapag-ambag at makagawa ng mas malaking pagbabago sa lipunan.
Isang taong bago ang 2013 halalan, binibigyang muli ng kapangyarihan ng ABS-CBN ang mga mamamayan para tumayo, manindigan, protektahan ang isa't isa at sumulong bilang isang bayan.
"Ang 'Tayo Na' ay pag-ulit ng ating pangako at pagpapatibay pa ng ating misyon na baguhin ang bansa. Kami ay nananawagan sa iba't ibang grupo o indibidwal na magkaisa para sa pagbabago at ipakita sa buong mundo ang tagumpay ng mga pursigidong citizen journalist," pahayag ni ABS-CBN News and Current Affairs head Ging Reyes.
Inaanyayahan ng ABS-CBN ang publiko na magparehistro bilang 'bayan patroller' sa programa ng "BMPM Tayo Na" na gaganapin sa Quezon City Memorial Circle (Liwasang Aurora) sa Martes (June 12) kung saan gaganapin din ang isang forum tungkol sa kahalagahan ng malinis na halalan at sa pag-uulat sa ano mang uri ng anomalya kaugnay ditto gamit ang social media tulad ng Facebook, Twitter, atbp. May mga pagtatanghal din mula sa celebrity guests na Itchyworms, Barbie Almalbis, Ebe Dancel, at Kitchie Nadal.
Itatampok naman ng ANC anchor na si Lynda Jumilla ang mga pulitikong nagpahayag ng saloobing tumakbo sa susunod na taon tulad nina Sen. Koko Pimentel, Manila mayor Alfredo Lim, at Rep. Risa Hontiveros sa ang isang espesyal na episode ng "ANC Presents: Road to 2013" sa ganap na 7 p.m. sa ANC.
Sisimulan din ng "TV Patrol" ang proyektong "Beinte Singko Para sa Kabayan Ko" bilang bahagi pa rin ng ika-25 nitong anibersaryo. Hinihimok nito ang bawat Pilipino na maghulong ng 25 sentimo sa mga espesyal na latang na ikakalat sa iba't ibang panig ng bansa nang sa gayo'y makalikom ang "TV Patrol" ng P2.5 milyon na gagamitin para tulungan ang 25 na pamilya, indibidwal, at komunidad na naging biktima ng kalamidad at sakuna sa nakaraang 25 taon.
Maging ang ABS-CBN Global ay makikilahok dahil ilulunsad din nito ang kanilang pandaigdigang Independence Day campaign na "Tayo ang Pilipino, Angat sa Mundo" sa pamamagitan ng isang music video tampok ang ABS-CBN corporate theme na inawit ng bandang Aegis.
Mula sa matagumpay na "Boto Mo, iPatrol Mo" noong 2007 hanggang sa "Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula" noong 2010, isang pinagibayong BMPM campaign ang sisimulan ngayong Hunyo na naglalayong paigtingin ang sinumulang citizen journalism sa bansa.
ABS-CBN ang pinakaunang nagsulong ng citizen journalism sa pamamagitan ng BMPM kung saan hinimok at binigyan ng kapangyarihan ang ordinaryong mamamayan na mag-ulat ng anumang uri ng katiwalian sa lipunan gamit ang makabagong teknolohiya.
Naging daan ang BMPM para maisapubliko ang ilan sa pinakamalaking istorya kaugnay ng halalan tulad na lang ng nakaririmarim na Maguindanao massacre. Sa katunayan, ang pinakaunang larawan na nakunan ilang oras pa lang matapos ang krimen ay ipinadala ng isang boto patroller at unang naiere sa telebisyon sa pamamagitan ng ABS-CBN News.
Kaya naman kinilala at pinarangalan ang BMPM ng maraming prestihiyosong award giving bodies tulad ng International Gold Quill Awards, Philippine Quill Awards, Anvil Awards, and Araw Awards.
Tunghayan ang pormal nitong paglulunsad ngayong Martes (June 12) sa gaganaping flag-raising ceremony ng ABS-CBN na "Bayang Malaya, Tayo Na!" na ipapalabas sa ganap na 8:20 ng umaga, bilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Pangungunahan ang programa ng "TV Patrol" anchors na sina Noli De Castro, Korina Sanchez, at Ted Failon kasama sina Raimund Marasigan, Pochoy Labog, Nicole Asencio ng General Luna, Aegis, ang Philippine Azkals, Maestro Gerard Salonga at ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra.
0 comments:
Post a Comment