Magsisimula na ang sagupaan sa kusina at ang pagharap sa mga totoong hamon ng buhay sa pinakaunang kusina-serye ng ABS-CBN na MasterChef Pinoy Editionna mag-uumpisa ngayong Lunes ng umaga (Nov 12).
Matapos bumida ang mga batang kusinero sa Junior MasterChef Pinoy Edition, bibigyan ng pagkakataon ng bagong edisyon ng cooking reality show ang mga ordinaryong taong magkakaiba ang edad, pinanggalingan, at estado sa buhay na magpakitang gilas sa pagluluto at pagtagumpayan ang sari-saring pagsubok upang maabot ang pangarap.
Tampok sa kusina-serye ang pagbabalik ng Teleserye Queen na si Judy Ann Santos-Agoncillo bilang host at ng chef-judges na sina Fernando "Ferns" Aracama, Rolando "Lau" Laudico, at JP "Jayps" Anglo. Sila ang huhusga sa mga putaheng ilalaban ng mga amateur chef para maging kauna-unahang Pinoy MasterChef at magwagi ng P1 milyon.
Idiniin ni Juday na magiging kapana-panabik at madrama ang pagsala sa contestants dahil mas mahigpit at mas maaanghang ang kanilang kumento sa mga ito.
"Mas magiging mahirap ang challenges. Mas magiging prangka ang lahat. For you to become a good chef, kailangan mapagdaanan mo ang lahat ng paghihirap," ani Juday.
Siguradong mapapangiti at mapapaiyak ang mga manonood sa kakaibang version ng MasterChef dahil itatampok din dito ang kanilang pakikipagsapalaran, mga hangarin para sa pamilya, at ang layuning patunayan ang sarili.
"Mas makaka-relate ang mga tao dahil hindi lang talent nila sa pagluluto ang kinukuha namin, pati 'yung istorya talaga ng buhay nila," ani Juday.
Higit pa sa pagiging isang cooking show, ipapatikim din ng programa ang elemento ng 'reality' dahil mamumuhay ang lahat ng finalist sa iisang bahay. Dito lalo silang magkakakilanlan, makakapagbuo ng mga samahan at gusot, at mararanasan ang tagumpay at pagkatalo kasama ang isa't isa.
Bukod sa pang-araw araw na paghahain ng drama, handog din ng kusina-serye ang iba pang kaalamang magagamit ng mga manonood sa kanilang pang-araw araw na buhay gaya ng Pinoy recipes na madaling ihanda, cooking demo, at sari-saring tips sa pangangalaga ng tahanan at kalusugan.
Kung drama at tunggalian ang nakahanda mula Lunes hanggang Biyernes, kwela at saya naman ang hatid nina Melai Cantiveros, at Pinoy Big Brother Teen Edition 4 housemates na sina Joj at Jai Agpangan tuwing Sabado sa MasterChef Saturdish Edition kung saan maghahanda at magtutuklas sila ng mga kakaibang putahe at magtuturo ng trivia at tips sa pagluluto.
Abangan ang unang patikim ng kusina-seryeng MasterChef Pinoy Edition ngayong Lunes (Nov 12) bago ang "Be Careful with My Heart" sa Umaganda block ng ABS-CBN. Maging updated sa programa at i-like angwww.facebook.com/MasterChefPHL, sundan ang @MasterChefPHL sa Twitter, o bisitahin ang www.masterchefph.tv.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment