Bida ang boses, hindi ang itsura o ang kwento ng buhay, sa pinakainaabangang singing competition ng ABS-CBN na "The Voice of the Philippines" na magsisimula na ngayong Hunyo.
Talaga namang naiiba ang "The Voice" sa iba pang talent show sa telebisyon ngayon dahil ito lang ang programang may "blind auditions," kung saan kakanta ang mag-a-audition habang nakatalikod ang coaches, at dito lang din maglalaban-laban ang coaches sa audition stage pa lang.
Uupo bilang coaches sa Philippine version ng "The Voice" ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo, Rock Superstar na si Bamboo, Broadway Diva na si Lea Salonga, at international hiphop sensation na si Apl De Ap. Ang multimedia star naman na si Toni Gonzaga ang magsisilbing host kasama rin si Robi Domingo bilang social media correspondent.
Magsisimula ang kumpestisyon sa isa isang pag-awit ng mga lalahok sa blind auditions kung saan pipili ang coaches kung sino sa mga sasalang ang nais nilang mapabilang sa kanilang team para i-mentor.
Sa oras na sila ay makapagpasya ay pipindutin nila ang kanilang button na siyang uudyok sa kanilang swiveling coaches' chair para umikot paharap sa entablado at para na rin masilayan na nila ang mukha sa likod ng ginintuang boses na kanilang napili. Kapag mahigit dalawang coach ang pumili sa isang artist, kinakailangan nilang magdebate at kumbinsihin ang artist na sila ang piliing coach nito.
Matapos mapili ang mga miyembro ng kani-kanilang koponan ay magsisimula na ang mga coach sa pag-mentor at pagsasanay sa kanilang mga artist at pagbabanggain ang dalawa sa mga ito sa ikawalang round na tinatawag na "battle rounds." Dito ay magpapatalbugan ang mga artist sa battle stage at ibibigay ang lahat para mapabilib ang kanilang coach na siyang gagawa ng malaking desisyon kung sino sa kanila ang papauwiin at sino sa kanila ang uusad sa susunod na round ng kumpetisyon— ang live performance shows.
Sa round na ito papasok ang kapangyarihan ng sambayanan dahil maari na nilang iboto ang kanilang mga paboritong artist at salbahin ito mula sa eliminasyon. Sa grand finals, bawat coach ay may isang manok na lang na ilalaban sa kantahan sa pambato ng kalabang coaches at isa lamang sa apat na grand finalists ang kikilalaning "The Voice of the Philippines."
ABS-CBN ang may eksklusibong rights para ipalabas at i-localize ang worldwide hit franchise mula sa Talpa Media Group ng Netherlands. Sasamahan nito ang 40 iba pang bansa na gumawa na rin ng sarili nilang bersyon ng "The Voice" sa telebisyon kabilang na ang popular na US version na pinangungunahan ng host na si Carson Daly at kinabibilangan nina Christina Aguilera, Adam Levine, Cee Lo Green, at Blake Shelton bilang coaches.
Sino ang mapapabilang sa Team Sarah, Team Bamboo, Team Lea, at Team Apl? Abangan ang "The Voice of the Philippines" ngayong Hunyo na sa ABS-CBN. Para sa updates, maglog-on lang sa www.thevoice.abs-cbn.com, i-like angwww.facebook.com/thevoiceabscbn sa Facebook o kaya i-follow ang @thevoiceabscbn the Twitter. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment