“Nag-sorry na ako kay Lance. Sa loob ng bahay hindi ko napansin ang mga sinabi at ginawa ko dahil naging masyado akong komportable. Si Lance ang tumanggap ng lahat ng mga ipinintas sa akin,” ani Wendy, na na-evict noong Sabado (Feb 4).
Sa kabila nito, pabiro pa ring humirit ang ex-housemate na gusto na niyang ma-evict si Carlo upang makasama na ito sa outside world at malaman kung totohanan ba ang kakaibang samahan nila sa loob ng Bahay ni Kuya.
Pinainit man nilang dalawa ang PBB house, napabuti raw ang pagkakalayo ni Wendy at ng boyfriend dahil naging sweet ito at mas mapagmalasakit sa kanya.
Sa katunayan, nagpapasalamat siya sa PBB dahil naging malapit ang kanyang mga magulang kay Lance. Ang mga ito pa nga raw ang nagdadamayan kapag nag-aalala tungkol sa tunay na kalagayan ni Wendy sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Syempre ipinaglaban ako ni Lance, nakita ng parents ko kung gaano niya ako kamahal tapos hinarap niya ang consequences dito. Noong pumasok ako, wala akong pinanghahawakan na okay sila ng parents ko kaya hindi na ako umasa. Pero ang sarap ng feeling na ang nanay ko at si Lance ang naghatid sa akin sa pagpasok at sila rin ang sumundo,” pahayag niya.
Aminado naman siyang dati’y nagduda ito sa katapatan ni Lance, at nagbiro pang gagamitin ang natutunan sa pinakahuli niyang task at isesemento raw ang kasintahan kapag nahuling may ibang babae.
Hindi nga maikakailang kahit na paulit-ulit nang na-nominate ng mga kasamahan sa bahay ay nagustuhan ng taumbayan ang pagiging prangka at totoo ni Wendy dahil lagi siyang isinasalba. Maituturing din niyang magandang bagay ang nomination kada linggo dahil nabibigyan siya ng pagkakataon na patunayan ang kanyang sarili.
Saad pa ni Wendy, “Naging positibo ang paulit-ulit na magnominate sa akin dahil nabibigyan ako ng spotlight at kailangan kong magstep up at patunayang mali ang housemates sa pagkakakilala sa akin. Wala akong pinagsisihan kasi hanggang dulo kinaya ko ang tasks ni Kuya.”
Ngayong napaaga ang pagpapalayas sa kanya sa PBB house, gusto raw niyang pasukin ang showbiz na inspirasyon ang iniidolong host ng PBB na si Toni Gonzaga dahil sa marunong itong umarte, kumanta, at mag-host.
“Lahat kaya niyang gawin. Tapos sobrang natural lang para sa kanya,” ani Wendy.
Bukod pa sa pangarap na maging isang beuty queen, kung bibigyan ng pagkakataon ay gusto raw niyang makatambal ang crush na si Piolo Pascual.
Nakilala si Wendy ng publiko bilang isang babaeng lumaki sa karangyaan at namuhay ng parang prinsesa ngunit hindi natatakot na ipahayag ang nararamdaman. Sa mga panibagong pagsubok na kanyang haharapin sa labas ng Bahay ni Kuya, dala-dala niya ang ang mahalagang aral ng pagiging matiisin.
“Ang tinuturo ni Kuya, kailangan paghirapan ang isang bagay. Ang Wendy dati, aayaw na agad,” pahayag niya.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment