Matapos ang tagumpay ng Cinema One noong nakaraang taon sa pagsasakatuparan ng pinaka-prestihiyosong gabi ng parangal, ang numero unong cable channel ay muling naghahanda na para ika-35 na Gawad Urian na gaganapin ngayong Hunyo 14 (Miyerkules) sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
"Para sa tagumpay ng Gawad Urian ngayong taon, kami'y nagagalak na muling makipag-isa sa Cinema One, na siyang tagapagbunsod ng malaya't masining na digital cinema sa bansa," ani Grace Javier-Alfonso na tagapangulo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) na siyang namamahala sa Gawad Urian.
Ilan sa mga di-malilimutang pelikula na tinanghal ng Gawad Urian na pinakamahusay simula nang maitatag ito noong 1976 ang "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?" ni Eddie Romero, "Jaguar" at "Bayan Ko, Kapit sa Patalim" ni Lino Brocka, "City After Dark/Manila By Night" ni Ismael Bernal, "Kisapmata ni Mike de Leon," "Batang West Side" ni Lav Diaz, "Tirador" "Serbis" at "Kinatay" ni Dante Mendoza at "Ang Damgo Ni Eleuteria" ni Remton Siega Zuasola noong nakaraang taon.
Naigawad din ang Natatanging Aktor ng Dekada sa mga pinakamahuhusay na artista ng bawat dekada. Noong nakaraang taon, sina Gina Pareño, Cherry Pie Picache at Coco Martin ang pinarangalan. Noong dekada 80 sina Vilma Santos, Nora Aunor, Gina Alajar at Philip Salvador ang mga tumanggap nito. At noong dekada 90 naman ay sina Nora at Vilma kasama si Richard Gomez.
Ang Gawad Urian ngayong taon ay pagpapatuloy ng pagdiriwang ng iba't ibang kultura at wika ng mga pinakamahuhusay na pelikula noong nakaraang taon. Muli ay bibigyang-pugay at susuportahan nito ang indie spirit ng mga pelikula.
Sa taong ito'y pararangalan din sa pamamagitan ng Natatanging Gawad Urian ang sinuman sa industriya ng pelikula ang may di-matatawarang kontribusyon. Ilan sa mga tumanggap noon ng nasabing parangal ay mga National Artist na sina Fernando Poe, Jr., Gerardo de Leon, Lamberto Avellana, at Eddie Romero, at sina Anita Linda, Rosa Rosal, Gloria Romero, Nida Blanca, Dolphy, Eddie Garcia, Pancho Magalona, Mona Lisa, at iba pang creative artists tulad ng mga cinematographer, editor at scriptwriter.
Ang lugar na pagdarausan ng gabi ng parangal—sa CCP main theater o Tanghalang Nicanor Abelardo—ay akmang-akma lang para sa prestihiyoso't makasaysayang Gawad Urian. Itinayo ang CCP noong 1966 upang pangalagaan ang mayamang sining at kulturang Pilipino, habang ang main theatre naman ang siyang pinakamalaki sa loob ng CCP na maaring mapuno ng 1,853 katao. Ang tunog din sa teatro'y inakma para sa opera at orchestra performances.
Samantala, hindi rin malilimutan ang pag-organisa ng Cinema One sa Gawad Urian noong nakaraang taon kung saan tampok ang pinagpipitagang mang-aawit na si Lea Salonga at iba pa.
Ang Gawad Urian Awards ay isang taunang pagpaparangal sa kahusayan ng mga aktor at aktres sa bansa na nagsimula noong 1977. Ito ay may layuning suriin ang mga pelikulang Pilipino, pasiglahin ang interes ng bawat isa sa mga pelikulang gawang Pinoy at buhayin ang industriyang ito sa bansa. Ninanais din nitong mapalawak at mapaganda ang kaalaman at kakayahan ng mga Pilipino sa paglikha ng isang pelikula bilang isang midyum ng komunikasyon at pagpapakita ng kultura ng bansa na naaayon sa pamantayan ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas.
Tutok lang sa Cinema One para sa mga pinakabagong balita tungkol sa ika-35 na Gawad Urian. Para sa mga updates, mag-logon sahttp://www.facebook.com/Cinema1channel. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment