Nag-enjoy ang ating mga Kapamilya sa Glorietta 5 Atrium nang bisitahin ng grupo ng Wako Wako, "LUV U" at iba pang Kapamilya stars noong nakaraang Sabado. Hindi lamang magagarbong performance ang kanilang ibinigay ngunit tinupad na din ni Wako Wako ang mga kahilingan ng ating mga kapamilya sa "Dear Wako, ano ang wish mo?" Nagpasalamat din ang cast ng show na Wako Wako sa kanilang mga fans na sumuporta sa kanila.
"Syempre mami-miss ko yung samahan namin. Lahat kasi kami sa set nagtutulungan at magaan na ang loob namin sa isa't isa," sabi ni Vandolph Quizon na gumaganap bilang Tatay Rodel. At dahil huling linggo na ng palabas ay nilubos lubos na nila ang pagpapasaya at pagtulong.
Sinimulan ang pagpapaulan ng biyaya nang tawagin si Miriam Coronado, isang barangay secretary sa Laguna na humiling ng school supplies para sa 50 na bata. Ayon kay Coronado, mga magsasaka ang mga magulang ng mga bata at pagkain at iba pang pangangailangan ang prayoridad ng mga ito. Naisipan ni Coronado na tumulong dahil nalalapit na ang pasukan. Dahil sa taos puso ang kanyang kahilingan, hindi nagdalawang-isip si Wako na tuparin ito.
Mayroon din isang ina na nabiyayaan ng cellphone dahil sa kahilingan ng kanyang anak na kinakailangan pang tumawid ng dalawang ilog para makausap ang kanyang ina, isang anak na humiling ng washing machine para sa nahihirapang ina na labandera, dalawang estudyanteng nabigyan ng pagkakataon na ipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa scholarship galing STI, isang kapatid na humiling na maipagamot ang kuya na may cerebral palsy at tatlong ginang na pinagkalooban ng eye check-up at mga salamin galing Executive Optical.
Halos mangiyak-ngiyak ang bidang si Dyosa Marishka (Ai Ai de las Alas) nang ihandog niya ang wish ng sampung-taong gulang na si Geraldine para sa kuya na may cerebral palsy. Na-touch si Ai Ai dahil sa sobra sobrang pagmamahal at pag-aaruga ng mga magulang kay Geraldine at sa kanyang kuya. Ani ni Ai Ai, "Napakabuti ng Panginoon. Sana patuloy pa akong makatulong at maging blessing sa iba."
Tagos sa puso ang kuwento ng mga dumalo sa Wako Wako event at talaga namang nakakaantig ng damdamin ang istorya ng kanilang buhay. Lalong lalo na ang ama na humiling kay Wako Wako ng kabuhayan para sa kanyang pamilya. Si Frederico Del Mundo ay isang tricycle driver na iisa lamang ang binti dahil sa trahedyang kanyang natamo na nagresulta sa pagputol dito. Subalit hindi ito naging hadlang para tustusan at buhayin ang kanyang pamilya. Wala siyang sariling tricycle at humihiram lang sa kanyang bayaw. Dahil hangad ni Wako Wako ang ikabubuti ng kanyang mga kaibigan, ay tinupad niya ang wish ni Frederico na magkaroon ng sariling tricycle mula sa Kawasaki.
Ang mga wishes ay tinupad na ni Wako kaya naman inako na ng mga Kapamilya stars ang pagbibigay ng entertainment sa daan-daang manonood na pumalibot sa Glorietta 5 Atrium. Dumalo ang mga love teams ng teen show na "LUV U" at hinandugan ng awit at kilig ang mga manonood. Nandoon si Ryan Bang na nagpatawa, umawit at sumayaw, ang Wako Wako love team na sina Liezel at Markki na umawit at ang ventriloquist na si Ruther Urquia kasama ang puppet niyang si Titoy. Nandoon din ang mga artista ng Wako Wako na sina Gladys Reyes, Vandolph Quizon, Ai Ai de las Alas at syempre nandoon din sina Wako Wako at Ukaw Ukaw.
Talaga naman na ang pagbisita ng Wako Wako at pagtupad niya ng mga kahilingan ang isa sa mga hindi makakalimutan ng mga manonood. Subaybayan ang nalalapit na pagtatapos ng kuwento ng paborito nating Arukan at bestfriend na si Wako Wako, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng PBB Teen Edition 4: Uber 2012. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment