Lumabas ang balitang inihinto na umano ni Gerald Anderson ang panliligaw niya kay Sarah Geronimo. Itinanggi naman ito ni Gerald at nilinaw na kinikilala lang talaga niya nang husto si Sarah. Sa isang panayam sa Pop Princess na si Sarah Geronimo ay nabanggit nito na ang nagustuhan umano niya kay Gerald Anderson ay ang kabutihan nito. Sinagot din ni Gerald ang mga kumakalat na espekulasyon patungkol sa lihim na namamagitan sa kanila ni Sarah. Aminado ang binata na mahirap daw sa ngayon ang sitwasyon nila ng singer dahil pareho silang abala sa kanilang mga trabaho. Ayon kay Gerald Anderson, dapat daw isipin ang maraming bagay katulad ng kanilang mga pamilya at trabaho.
Nabanggit naman ni Sarah Geronimo na natutuwa siya dahil kayang harapin ni Gerald Anderson ang kaniyang mga magulang. Maging ang binatang si Gerald ay masaya rin dahil nagagawa niya nang makausap ang mga magulang ni Sarah. Nagpapasalamat ang aktor dahil binigyan siya ng pagkakataon ng pamilya ng dalaga na mas makilala pa siya nang mabuti. Nilinaw ni Gerald Anderson na hindi siya nagmamadali magkaroon ng relasyon kay Sarah Geronimo dahil sapat na umano na nagkaroon na sila ng mas malalim na relasyon. Ayaw niya rin umanong samantalahin ang pagkakataon na mas naging malapit na sila ni Sarah dahil ang mas mahalaga ay pareho silang masaya ng dalaga sa kanilang kasalukuyang estado.
Kaya umano lumabas ang balitang huminto na sa panliligaw si Gerald sa dalaga ay dahil magkahiwalay umano silang dumating sa premiere night ng isang pelikula. Nabanggit ni Sarah Geronimo na hindi niya alam na dadalo rin pala si Gerald Anderson sa gabing iyon. Kinumpirma naman ni Gerald Anderson na araw-araw pa rin ang komunikasyon nila ng singer. Parehong busy ang dalawa lalo na at hindi naman magkatugma ang schedule nila pareho. Hindi itinanggi ni Gerald na minsan ay hindi niya kayang gawin lahat ng gusto niya para sa isang tao dahil na rin sa takbo ng kaniyang trabaho.
Nauunawaan naman daw ni Gerald Anderson ang Mommy Divine ni Sarah Geronimo kung mas gusto nito na non-showbiz guy ang makatuluyan ng kaniyang anak. Para kay Gerald, hindi naman daw talaga simple ang magkaroon ng relasyon na taga-showbiz dahil malaking bagay ang pagsakripisyo ng privacy. Sa parehong trabaho nila ni Sarah ay hindi talaga maiiwasan na mapakialaman ng ibang tao ang kanilang personal na buhay. Hanggang ngayon ay umaasa naman si Gerald Anderson na mapatunayan sa mga magulang ni Sarah Geronimo na mabuti ang kaniyang intensyon sa singer-actress. Kung sakali namang mauwi lang sa pagkakaibigan ang relasyon nilang dalawa ay magiging masaya pa rin daw ang binata dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makilala pa nang mabuti ang kaniyang hinahangaang babae.
0 comments:
Post a Comment