Makapigil hininga ang tensyon, agaw-pansin ang banggaan, at mapangahas ang patutsadahan hatid ng "KampanyaSerye," ang pinakabagong handog ng ABS-CBN News and Current Affairs na magpapamalas sa inyo ng tunay na drama sa mundo ng pulitika sa bansa.
Ang "KampanyaSerye" ay bahagi ng ABS-CBN Halalan 2013 na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan bago bumoto. Isang serye ang bubuksan linggo linggo sa "TV Patrol" kung saan bibigyang diin ang kuwento sa likod ng mga pangako at talumpati ng mga pulitikong nanliligaw sa boto ng sambayanan. Maisisiwalat din dito kung ano ang mga isyung mahalaga sa kanila at kung ano ba talaga ang kakayahan nilang bilang lider.
Nagsimula na ang "KampanyaSerye" noong nakaraang linggo sa ulat ni Alvin Elchico na pinamagatang "Giyera sa Kabisera" kung saan mala-teleseryeng sinubaybayan ng sambayanan ang mainit na banggaan para sa pagka-alkalde ng Maynila nina mayor Alfredo "Dirty Harry" Lim at dating pangulong Joseph "Asiong Salonga" Estrada. Talaga namang tinutukan ng lahat kung paano sila nagsimula sa pulitika, paano sila unang nagbangga, paano nasira ang dati'y matalik na pagkakaibigan, at marami pang ibang anggulo ng kuwento na ngayon lang nabulatlat.
Mula sa awayan ng dating magkaibigan, bubuksan naman ng "KampanyaSerye" simula Lunes (Jan 21) ang awayan sa pagitan ng magkakapamilya sa ulat ni Ryan Chua na pinamagatang "Ama, Anak, Apo." Tampok dito ang drama sa likod ng buhay pulitika ng pamilya Villafuerte ng Camarines Sur at kung paano hinahamon ang kanilang angkan ng kanilang pagkakaiba ng layunin para sa lupang pinamumunuan.
Iminungkahi kasi ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte Sr. Sa Senado sa pamamagitan ng isang house bill na hatiin ang Camarines Sur sa dalawang probinsya pero ang mismong anak na si Camarines Sur Gov. Luis "LRay" Villafuerte Jr. ang pumalag sa plano niyang ito.
Mas lalo pang umigting ang iringan ng mag-ama nang pinili ng anak ni LRAY na si Migz na tumakbo laban sa kanyang lolo sa pagka-gubernador sa kanilang lugar. Saan hahantong ang hidwaan sa pamilya Villafuerte? Tuluyan na nga ba nilang kalilimutan ang pagiging magkakapamilya sa ngalan ng pulitika?
Huwag palalampasin ang "KampanyaSerye," Lunes hanggang Biyernes, sa "TV Patrol" sa ABS-CBN. Panuorin din ang buong episode sa espesyal na Producer's Cut na mapapanood sa ANC tuwing Sabado, 2:30 PM, at tuwing Linggo, 11 AM. Mapapanood din ito online via www.abs-cbnnews.com/KampanyaSerye. I-tweet ang inyong mga opinyon gamit ang hashtag na #KampanyaSerye.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment