Tuloy na tuloy na ang pelikulang pinaghahandaan ng magkaibigang Toni Gonzaga at Vice Ganda. Kinumpirma naman ni Toni na wala pang working title ang proyekto nila ni Vice pero nagkaroon na sila ng pagkakataon para mag-shoot nito. Si Wenn Deramas ang magiging direktor ng pelikula sa ilalim ng Star Cinema production.
Gaganap si Vice Ganda bilang leading man ni Toni Gonzaga sa pelikula at gusto ng host-actress na abangan ng kanilang mga tagahanga ang mangyayari sa istorya. Ito ang unang pagkakataon para sa magkaibigan na makatrabaho ang isa’t-isa.
Ikinuwento ng dalaga na naging masaya ang mga unang eksena na kinunan nila ng komedyante. Nahirapan daw si Toni Gonzaga dahil hindi niya mapigilan ang kaniyang pagtawa sa bawat eksena. Ang proyekto nila ni Vice Ganda ang maituturing niyang isa sa mga pinakakaabangan niyang gawing trabaho. Hindi na rin daw na-tense si Toni sa unang pakikipagtrabaho kay Vice dahil kumportable na sila sa isa’t-isa bilang magkaibigan. Iniiwasan din ni Toni Gonzaga na maramdaman ang pressure sa pakikipagtrabaho kay Vice Ganda na kilala sa pagiging Box-office King nito.
Enjoy na enjoy rin sina Toni at Vice sa kanilang trabaho dahil hindi nawawala ang tawanan sa paligid nila. Umaasa naman si Toni Gonzaga na tatabo sa takilya ang tambalan nila ni Vice Ganda. Ipinagdarasal ito ng dalaga dahil minsan lamang mangyari ang pelikulang ito kung saan makakasama niya ang kaniyang kaibigan. Inaasahang ilalabas ito sa buwan ng October kung kaya may dalawang buwan pa sina Toni at Vice para paghandaan ang kanilang pelikula. Excited na rin daw silang pareho sa magiging kinalabasan ng kanilang pagtatambal na naging posible dahil sa Star Cinema.
Bukod dito ay parehong abala sina Toni Gonzaga at kaibigang si Vice Ganda sa kani-kanilang mga TV show. Kasalukuyang host si Toni sa The Buzz samantalang si Vice naman ay nagho-host ng noontime show na It’s Showtime at may sariling talk show tuwing Linggo ng gabi. Parehong abala ang dalawa sa kanilang mga trabaho pero hindi pa rin naman daw nila nakakalimutan na magpahinga at magsaya kahit papaano. Matagal nang magkaibigan sina Toni Gonzaga at Vice Ganda kung kaya kapag nagkikita sila ay hindi naman naiiwasan ng dalawa na magkamustahan sa isa’t-isa. Matatandaang nagkasama noon ang dalawa sa concert ng komedyante at naging espesyal daw ito para sa kanila dahil itinuturing nilang kakaiba ang kanilang samahan.
0 comments:
Post a Comment