Nanaig nga ang husay ni Kyle sa pagluluto laban kina Philip, Mika, at Jobim sa kanyang kabuuang 91.8 puntos at mag-uuwi ng P1 milyon at P1.5 milyong halaga ng culinary scholarship.
Pumangalawa naman si Philip na nagkamit ng 91.1 puntos at nanalo ng P500,000 at P1.5 milyong halaga ng culinary scholarship. Nakuha naman nina Mika (84 pts) at Jobim (73.4 pts) ang ikatlo at ikaapat na pwesto at panalo ng tig-P250,000 at P500,000 worth ng culinary scholarship.
Sa unang challenge pa lang ay nanguna na si Kyle sa kanyang kamangha-manghang oyster ravioli na nakatanggap ng pinakamataas na pinagsamang puntos mula sa host na si Judy Ann Santos-Agoncillo, mga huradong sina Chef Ferns, Chef Lau, at Chef Jayps at 100 espesyal na panauhin na tinikman at hinusgahan nang live ang gawa ng Final Four sa mismong finale.
Dahil sa malaking puntos na nakuha niya kina Judy Ann at sa tatlong hurado, nanguna pa rin si Kyle sa round na ito kahit pa mas pumatok ang inihandang ‘chicken three-way’ ni Mika sa madlang binuo ng mga estudyante, MMDA personnel, doktor, atleta, nars, guro, bumbero, empleyado ng gobyerno, at negosyante.
Live ding nasaksihan ng buong bayan ang pangalawang challenge kung saan nagluto sina Kyle, Philip, Mika, at Jobim ng kanilang ‘dream dishes’ sa loob ng nakakatensyong 30 minuto. Ipinanalo ni Philip ang round na ito ngunit hindi naging sapat para patumbahin si Kyle sa kanilang final scores.
Para sa ‘dream dish’ live cook-off challenge, nagsilbi ring hurado ang pinagpipitagang cook at may-ari ng Via Mare restaurant na si Glenda Rosales Barretto na nagbigay ng perpektong 10 puntos sa Asian fusion shrimp at scallops ni Kyle.
Hindi na nga naitago ni Chef Lau ang pagkahumaling sa kanyang lutuin at nagkumento, “’Di ba sinabi ko sa iyo dati na sa pitong taon, gusto kong magtrabaho ka para sa akin? Sorry pero babawiin ko ‘yun dahil in seven years, baka ako na ang magtrabaho para sa iyo!”
Talaga namang tinutukan ng bayan ang live na bakbakan sa kusina dahil nag-numero uno ang hashtag na ‘#JuniorMasterChefFINALE’ sa local trending topics ng micro-blogging site na Twitter at ikaapat naman sa buong mundo. Ipinakita din ng Filipino netizens ang suporta sa kanilang paboritong kiddie cooks sa pag-trend ng ‘Congrats Kyle,’ ‘Go Jobim’ at ‘Go Philip’ sa parehong site.
Samantala, abangan naman ang pagpapamalas ng mga mas nakatatanda sa kanilang talento sa pagluluto sa pagdating ng lokal na bersyon ng “MasterChef” sa ABS-CBN.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment