Kamakailan lang ay ipina-blotter ng dating aktor at ngayon ay Vice Mayor ng Manila na si Isko Moreno ang kaniyang Mayor na si Alfredo Lim dahil umano sa pagtatangka nito sa kaniyang buhay. Ito ay dahil daw sa pagbabanta ni Mayor Lim kay Isko at iba pa nitong kasamahan sa isang pulong ng barangay officials. Kasama ni Isko Moreno na naghain ng kanilang mga reklamo laban kay Alfredo Lim ang 28 na mga konsehal. Iginiit naman ni Mayor Lim  na pinupulitika lamang siya ng mga taong naninira sa kaniya.
Nilinaw ng alkalde na si Alfredo Lim na ang sinasabi ni Isko Moreno na pagtatangka ay isa lamang umanong figure of speech. Ang nabanggit lang umano ng Mayor Lim kay Isko ay ang pahayag na, “Uy, tumigil ka na nga. Para kang walang kamatayan, e.” Sa tingin naman daw ni Alfredo Lim ay wala siyang pananakot na ginawa dito.
Naninindigan pa rin si Isko sa kaniyang naging akusasyon laban kay Mayor Lim. Sa ngayon ay pinag-iisipan na ni Isko Moreno na magsampa ng kaso laban sa alkalde. Giit pa ni Isko Moreno, marami ang nakakita at nakarinig sa mga sinabi ni Alfredo Lim laban sa kaniya kung kaya naninindigan siya sa kaniyang mga naging pahayag. Kilala naman umano ng mga tao ang Mayor kung kaya hindi malabo na gawin niya raw ang kaniyang pananakot. Nabanggit din ni Isko na usong-uso sa lungsod ng Manila ang shoot-to-kill order kung kaya may agam-agam siya sa pagtatangka umano ni Alfredo Lim sa kaniyang buhay.
Ngayong darating na 2013 election ay hindi na makakasama ng alkalde si Isko sa iisang partido. Ayon pa kay Isko Moreno, wala umanong dapat ipag-alala ang Mayor dahil wala umano siyang balak na kalabanin ito. Ipinaalala rin ng vice mayor kay Alfredo Lim na si Joseph “Erap” Estrada ang makakalaban nito at hindi siya. Malaki umano ang pagtataka ni Isko kung bakit pinag-iinitan siya ni Mayor Lim. Ayon naman sa Manila Mayor, ang kaniyang naging mensahe sa grupo ni Isko Moreno ay ginawa niya sa harap ng district director ng MPD na si General Gutierrez at iba pang mga kapulisan. Kung pananakot umano ang ginawa ni Alfredo Lim ay hinuli na sana siya ng heneral sa kaniyang mga sinabi sa harap nito.
0 comments:
Post a Comment