Matunog ngayon ang balitang magkakatapat si Vice Mayor Isko Moreno at aktor na si Cesar Montano sa pulitika. Matatandaang napabalita na noon ang pagbisita umano ni Cesar sa opisina ni Mayor Alfredo Lim kung kaya kumalat ang mga espekulasyon na maaaring may mahalagang usapan ang dalawa pagdating sa pulitika. Sinasabing si Cesar Montano umano ang napili ng Manila Mayor na makakatunggali ni Isko Moreno sa susunod na eleksyon. Noon ay naging magkatandem pa ang dalawang opisyal sa pagtakbo sa kanilang mga puwesto ngunit nang magsimula ang kanilang iringan ay dumistansya na sila sa isa’t-isa. Kamakailan lang ay nagparehistro pa ang aktor na si Cesar sa Maynila bilang isang botante.
Wala naman daw naririnig si Isko mula sa kaniyang kaibigang aktor patungkol dito. Kung sakali naman daw na totoo nga ang pagtakbo ni Cesar Montano ay may karapatan naman umano ito na makibahagi sa susunod na eleksyon. Wala rin daw problema si Isko Moreno kung maging isang simpleng botante ang kapwa aktor o magsilbi bilang public servant. Ang taong bayan pa rin naman daw ang masusunod kung sino ang gustong mamuno sa kanila. Ipinaliwanag naman ni Isko Moreno na kung sakaling gusto tumakbo ni Cesar ay ang mahalaga umano ang pagiging residente ng isang tao sa isang lugar na gusto niyang pagsilbihan.
Si Cesar Montano ay residente ng Sta. Ana, Manila pero siya ay rehistrado sa Bohol kung saan kumandidato ang aktor noong 2007 election. Hindi naman daw alam ni Isko Moreno kung saan talaga umuuwi ang aktor dahil ang pagkakaalam niya ay tumakbo ito bilang senador noong 2007 at noong 2010 ay tumakbo sa pagiging gobernador sa Bohol. Parehong hindi pinalad si Cesar sa mga puwestong ito kung kaya balak niya na naman daw tumakbo bilang Mayor ng Manila ngayong darating na eleksyon. Hindi naman daw alam ni Isko kung magiging problema ito sa parte ng kaniyang napapabalitang kalaban.
Ayon kay Isko Moreno, may karapatan umano si Cesar Montano na gawin ang kaniyang mga gustong gawin. Hindi naman nila pagmamay-ari ang mga posisyon nila dahil ang kinakailangan lamang nilang gawin ay bigyan ng serbisyo ang kanilang mga kababayan. Mas masaya naman si Isko kung sakaling maging residente na ng Maynila si Cesar dahil masisilbihan niya na raw ito bilang Vice Mayor ng lungsod. Aminado naman si Isko Moreno na mas kilala si Cesar Montano kesa sa kaniya. Kung sakali naman daw na matuloy ang pagtakbo ng action star ay mas maganda raw ito para sa Vice Mayor dahil sikat na sikat ang kaniyang magiging katunggali.
0 comments:
Post a Comment