Hindi pa rin makapaniwala ang baguhang aktor na si Richard Yap sa bagong teleserye na ibinigay sa kaniya kung saan isa siya sa magiging bida. Si Richard o mas kilala bilang Papa Chen ay magsisimulang mapanood sa panghapong serye na Be Careful With My Heart sa Kapamilya network. Gaganap si Richard Yap bilang leading man ng bidang aktres na si Jodi Santamaria.
Aminado naman ang businessman turned actor na hindi niya naisip na magiging big hit ang kaniyang naging karakter sa dating teleserye na My Binondo Girl kung kaya hindi niya inasahan at hindi masyadong naihanda ang sarili sa tawag ng showbiz. Hindi naman itinanggi ni Richard na ine-enjoy niya naman ang kasikatang tinatamasa niya.
 Malaki rin ang pasasalamat ni Richard Yap dahil pinagkatiwalaan siya ng ABS-CBN na bumida sa seryeng Be Careful With My Heart. Bago pa ang panghapong serye na ito ay matatandaang lumabas din si Richard sa Primetime serye na Walang Hanggan. Hindi rin itinanggi ni Richard Yap na nararamdaman niya na ang kasikatan dahil hindi na siya makapunta sa kung saan-saang lugar na mag-isa lamang siya. Naiilang pa rin umano ang baguhang aktor kapag may tumatawag sa kaniya ng “Papa Chen” dahil bago pa lamang siya sa industriya. Ginagawa naman din daw niya ang makakaya para hindi siya masyadong mapansin ng tao sa kaniyang paligid.
Hindi naman daw malaki ang pagbabagong nangyari kay Richard Yap nang siya ay simulang nakilala ng maraming tao. Hanggang ngayon ay nagagawa pa rin daw niya ang mga nakasanayan niya noon pero hindi na ito kasing dalas ngdati. Bukod sa pagiging modelo noon ay manager si Richard ng isang furniture company na may mga multi-national companies na kliyente. Maging siya ay may sarili ring negosyo bago pa pumasok sa showbiz. Nakatulong din diumano ang pag-aartista ni Richard Yap sa kaniyang business at maaaring lalo pang gaganda ang takbo nito dahil sa muli niyang paglabas sa kaniyang bagong teleseryeng pagbibidahan.
Natatawa rin si Richard dahil ang mga taong ayaw siya noong makita ay  nagpapakita na sa kaniya. Maging ang hindi niya mga kamag-anak ay nagpapakilala na bilang kamag-anak niya ngayon. Wala pang isang taon sa showbiz si Richard Yap pero nabigyan na ito agad ng magandang proyekto na Be Careful With My Heart simula sa July 9. Bagamat kabado sa kaniyang unang lead role ay umaasa si Richard Yap na tatangkilikin ito ng mga tao. Gaganap bilang isang balo si Richard kung saan makikilala niya ang magiging karakter ni Jodi na gaganap namang yaya ng mga anak ng aktor. Masaya din si Richard Yap dahil buong-buo ang suporta ng kaniyang pamilya sa kaniyang bagong tinahak na landas.
0 comments:
Post a Comment