Ngayong balik na sa trabaho si Zsa Zsa Padilla ay napabalita naman na mayroon siyang itinatagong karamdaman na ayaw ipaalam sa maraming tao. Aminado ang Divine Diva na hanggang ngayon ay sinusubukan niya pa ring mag-move on mula sa pagkawala ni Dolphy. Matatandaang noong nakaraang kaarawan ng Comedy King na si Dolphy ay hindi raw nakapunta si Zsa Zsa sa puntod nito dahil may masakit sa katawan nito. Ipinaliwanag naman ni Zsa Zsa Padilla na nakaramdam siya noon ng pananakit sa kaniyang kaliwang kidney at umabot ito sa kaniyang kaliwang paa. May gamot naman daw si Zsa Zsa para rito pero nanghihina siya kapag ito ay iniinom kung kaya nagdesisyon siyang hindi na pumunta sa puntod ni Dolphy noong kaarawan nito.
Sa ngayon ay hindi raw muna pwede sabihin ni Zsa Zsa Padilla ang kaniyang karamdaman dahil ayaw niya naman umanong ma-depress ang mga tao dahil dito. Masaya naman ang singer dahil ang kaibigan nitong si Dr. Vicki Belo ang mamamahala sa kaniyang treatment sa Amerika. Sa darating na August 11 ay inaasahang lilipad ng ibang bansa si Zsa Zsa para magpagamot at magbakasyon na rin simula nang pumanaw si Dolphy. Maraming natanggap na papuri ang singer dahil sa ipinakita nitong katatagan nang isugod sa ospital si Dolphy hanggang ito ay yumao noong July 10. Â Nagpapasalamat naman daw siya dahil naging inspirasyon siya sa mga tao lalo na sa mga kababaihan. May nakilala rin daw si Zsa Zsa Padilla na may parehong relasyon sa kanila ni Dolphy na maaga ring nawalan ng asawa.
Naniniwala rin umano siya na ang relasyon ay magiging maganda kung susubukan itong gawin nang maayos kahit pa alam nilang mahirap. Nagbigay rin si Zsa Zsa ng advice sa mga taong nakakaranas ng katulad sa kanilang relasyon ni Dolphy. Aniya, kung nararamdaman ng iba na hindi na nila ito makakaya ay subukan umano nila itong itulak pa ang sarili nang konti dahil sa huli ay mapapatunayan nila ang kanilang pagmamahal sa isang tao. Malaking bagay rin para kay Zsa Zsa Padilla ang suporta ng mga kaibigan ngunit sinentro raw nila ni Dolphy ang kanilang buhay sa pagdadasal.
Sigurado naman daw siya na nasa langit na ngayon ang namayapang partner na si Dolphy. Nananatili pa rin naman sa imahinasyon ni Zsa Zsa ang presensya ni Dolphy kung kaya nagiging madali na rin para sa kaniya ang mga araw na lumipas. Marami rin ang nagsasabing sa dinami-rami ng nagdasal para kay Dolphy ay dumiretso na ito sa langit. Masaya na umano si Dolphy sa mga oras na ito at dito pa lang ay kuntento si Zsa Zsa Padilla. Napanaginipan na rin daw niya si Dolphy na kinakantahan siya at ito ay noong siya ay nakaranas ng pagkabangungot kung kaya sa tingin niya ay nasa mas masayang lugar na ang partner nito.
0 comments:
Post a Comment