Patok na patok ang tatlong love jocks ng FM station Tambayan 101.9 at talagang sinusubaybayan ng mga taga-pakinig pagdating sa usapang pag-ibig. Ito ay sina DJ Charlie, DJ Jasmin, at DJ Chacha.
Marami na ang nakatagpo ng kanilang special someone sa pamamagitan ng programa ni DJ Charlie na “Usapang Tambayan” na mala-dating-game ang tema. Katunayan, dalawang pares na sa mga ito ang nagpakasal. “Imbitado pa nga ako sa wedding nila,” kwento ng masayahing DJ Charlie. “Hindi lang ako bisita ha, kundi ninong pa.”
Si DJ Jasmin naman ang taga-payo ng Tambayan sa kanyang programang “Dear Jasmin,” na kamakailan ay kinilala bilang Most Development Oriented Program sa 2012 Gandingan Awards. Tampok dito ang sulat ng mga taong may problema sa pag-ibig na isinasalin bilang drama sa radyo at pagkatapos ay nagbibigay ng payo si DJ Jasmin.
Aminado si DJ Jasmin na kung minsan ay mahirap ang magbigay ng payo, maliban na lamang kung siya mismo ay may pinagdaraanan. “Sa mga ganoong pagkakataon, natural na natural ang pagbibigay ko ng mga payo,” natatawang sabi ng KBP Golden Dove awardee at Gandingan Awards’ Best DJ for 2012. “Pag ako mismo ang broken-hearted, parang ang galing-galing kong mag-payo.”
Minsan nang nasubok ang galing ni DJ Jasmin sa pagbibigay ng payo, nang sumulat ang isang balikbayan na si Ben. Kwento nito, bumalik siya ng Pilipinas upang kumprontahin ang lalaking nakabuntis sa kasintahan niya. Ito ay ang mismong matalik na kaibigan niyang si Morris.
Nagkataon namang nakikinig si Morris nang basahin ni DJ Jasmin ang sulat ni Ben. Makalipas ang isang buwan, sumulat din si Morris upang magpaliwanag, dahil umaasa siyang sa pamamagitan ng programa ay maipapaliwanag niya kay Ben ang panig niya.
“Nakakalungkot kasi hindi pa rin naaayos ang problema nila hanggang ngayon. Pero patuloy naman ang ugnayan ko kay Ben at kay Morris at umaasa akong balang-araw ay magiging handa na silang mag-usap,” sabi ni DJ Jasmin.
Samantala, si DJ Chacha naman sa programang “Ano’ng Meron” ang takbuhan ng mga listeners na nais mag-kwento tungkol sa lovelife, maging sa mga issue na para sa mga mature audience lamang.
Iba’t ibang klase ng mga love issues ang itinatawag sa kanya ng mga callers. May mga pagkakataon din naman na tatawag sila para lamang yayain si DJ Chacha na makipag-date! “Nakakaaliw sila pero sa ngayon, hanggang ‘mwahmwah-tsuptsup’ na lang muna ang kaya kong ibigay,” sabi niya.
Tumutok kina DJ Charlie, DJ Jasmin, at DJ Chacha sa mga hotlines ng Tambayan 101.9: 924-2684 o 415-1111. Maari rin mapanood ang love streaming sa www.tambayan1019.com. Si DJ Charlie ay mapapakinggan sa “Usapang Tambayan” mula 1 pm hanggang 3 pm, si DJ Jasmin sa “Dear Jasmin” mula 11 am hanggang 1 pm, at si DJ Chacha sa “Ano’ng Meron” mula 9 pm hanggang 1 am sa 2012 Gandingan Awards Best FM Station awardee, Tambayan 101.9 San ka pa!
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment