Aminado si Vina Morales na kahit matagal na siya sa industriya ng showbiz ay may natutunan pa rin siya sa kaniyang bagong proyektong ginagawa na Rock of Ages. Ito ay isang local adaptation ng isang Broadway musical na buong pusong tinanggap ni Vina para gumanap bilang isa sa mga karakter sa nasabing produksyon. Halos dalawang linggo nang nagsasanay si Vina Morales sa Rock of Ages at agad niya umanong nakita ang disiplina ng kaniyang mga kapwa aktor sa teatro. Aminado si Vina na nanibago siya sa kaniyang pinasok na bagong proyekto lalong-lalo na at strikto sila sa oras.
Hindi na rin daw problema para kay Vina Morales ang halos araw-araw niyang rehearsals sa Rock of Ages. Sinisigurado lang daw kasi nila na maayos ang lahat pagdating ng performance. Marami na rin naman daw natutunan si Vina sa kaniyang trabaho at mga kasama rito. Malaking tulong din umano ang mga bihasa na sa teatro dahil nabibigyan na siya ng magandang training. Noong una ay inakala ni Vina Morales na kailangan niya lang matutunan ang kaniyang parte pero hindi nagtagal ay nalaman niya na lahat ng kanta ay dapat niya palang matutunan.
Ang Rock of Ages ay ibang-iba raw sa mga nagawa niyang proyekto dahil sasabayan niya pa ng pag-awit ang kaniyang pag-arte. Ang isa pang kakaiba pa sa teatro ay wala itong take two kung kaya kailangang perpekto ang lahat ng kaniyang galaw at pag-arte. Hindi katulad ng concert ay pwede siya mag adlib dahil sa Rock of Ages ay alam mismo ng kaniyang katrabaho ang kahit kahuli-hulihang salita na kaniyang bibitawan.
Bagamat medyo mahirap ang kaniyang ginagawa rito ay hindi naman daw ito ang magiging huling proyekto ni Vina Morales pagdating sa entablado. Matagal niya na rin daw kasing pangarap ito matapos niyang makagawa ng album, pelikula, soap opera at mga concert. Proud din si Vina sa kaniyang sarili  dahil nagawa niya ang Rock of Ages at umaasa siyang pagdating ng panahon ay malapit niya nang mahalin ang propesyong ito. Iba raw kasi ang fulfillment na nadarama ni Vina Morales sa tuwing nagagawa niya ng tama ang kaniyang trabaho. Pakiramdam niya parte siya ng pamilya ng Rock of Ages at bukas din sa posibilidad na gawin muli ito.
Umaasa si Vina na magiging masaya ang mga manonood ng Rock of Ages dahil bukod sa ito ang kaniyang unang pagsabak sa teatro ay puno raw ito ng kasiyahan. Gusto rin makita ni Vina Morales na nakikisabay ang mga tao sa kanilang pagkanta at pagsayaw dahil kakaibang performance ang kanilang ibibigay rito. Sulit na sulit naman daw ang kanilang pagpunta dito dahil matutuwa sila sa mga jokes at ibang eksena sa produksyon.
0 comments:
Post a Comment