Sa isang live interview sa anak ni Dolphy na si Eric Quizon ay kinumpirma niya na pumirma na ng waiver ang kanilang pamilya kaugnay sa kritikal na kondisyon ng kanilang ama. Ilang linggo na ang nakakaraan ay isinugod si Dolphy sa ospital dahil sa mga komplikasyon sa katawan nito dulot ng kaniyang sakit na Chronic Obstructive Pulmonary Disease o kilala bilang COPD.
Aminado si Eric na may pinirmahan sila na isang waiver at iginiit na ang pinirmahan nilang papeles ay isang pampamilyang isyu lamang. Ito ay patungkol sa mga lumabas sa pahayagan na kung sakaling lumala pa ang kundisyon ni Dolphy ay binigyan ng karapatan ang mga doktor ng ‘do not resuscitate’ o ‘DNR’. Ito ay isang legal order na nagrerespeto sa kahilingan ng pasyente na hindi na sumailalim pa sa CPR o advanced cardiac life supoort (ACLS) kung sakaling huminto na sa pagtibok ang puso ng pasyente o huminto na ito sa paghinga.
Nagbigay naman ng update si Eric Quizon patungkol sa kasalukuyang karamdaman ni Dolphy at sinabing dalawang araw nang nasa stable na kondisyon ang ama. Kinumpirma rin ni Eric na tumataas at bumababa ang hemoglobin count ni Dolphy. Ayon kay Eric Quizon, ang kalusugan ng kaniyang ama ay wala pa umanong improvement ngunit hindi naman daw ito lumalala. Kung mayroon naman daw mangyayaring improvement kay Dolphy ay hindi naman daw ito malaki maging ang paghina ng katawan nito ay minimal din umano. Kahit papaano ay nakokontrol naman daw ang kondisyon ng ama ni Eric.
Ibinalita rin ni Eric Quizon na nasa magandang kondisyon ang puso ni Dolphy kung kaya maging ang heart rate at blood pressure nito ay nasa mabuting estado. Nagkaroon na naman umano ng pneumonia si Dolphy at sumailalim muli ng dialysis ang ama ni Eric. Ang plano ng mga doktor ni Dolphy ay magkaroon ng dialysis sa loob ng tatlong araw pero bumaba umano ang heart rate nito. Kinumpirma rin ni Eric Quizon na nagdesisyon ang mga doktor na i-dialysis ang ama sa loob ng anim hanggang walong oras na lamang para makapagpahinga muna ito.
Tinanggal din ang blood transfusion kay Dolphy dahil sa kaniyang dialysis na umabot na ng pitong oras. Sinabi ng mga doktor sa pamilya ni Eric na mayroong internal bleeding sa katawan ng kanilang ama kung kaya ito ang nagiging dahilan kung bakit bumababa at tumataas ang hemoglobin count at maging ang platelets nito. Hindi rin daw pwedeng operahan si Dolphy sa kaniyang kasalukuyang kondisyon ayon kay Eric Quizon. Naging responsive na rin si Dolphy hindi tulad noong mga nakaraang araw. Ang maaaring naging dahilan daw nito ay dahil baka naexcite ang ama ni Eric dahil nagsidatingan na rin ang iba niyang mga kapatid galing Amerika. Naniniwala si Eric Quizon na nakakaapekto kay Dolphy kapag naririnig nito ang mga boses ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Full Story @ Tsismoso
0 comments:
Post a Comment