Bukod sa dialysis ay sumailalim din si Dolphy sa isang procedure na tinatawag na tracheostomy. Ayon kay Eric Quizon kinailangang gawin sa kaniya ang naturang procedure para makatulong ito sa maayos na paghinga. Hindi naman nabigo sina Eric dahil malaki raw ang naitulong nito sa kaniyang amang si Dolphy. Sa mga nagdaang araw ay nanatiling stable ang kalagayan ni Dolphy ngunit hindi pa rin inaalis ng mga doktor ang kalagayan nito sa kritikal na estado.
Paliwanag ni Eric Quizon, ang respirator naman ni Dolphy na dati ay nakalagay sa bibig ay tinanggal na inilagay naman ito sa kaniyang leeg. Bago umano magdesisyon ang pamilya nina Eric ay kinausap muna sila ng mga doktor at sinabi kung ano mga pwedeng mangyari kapag ito ay itinuloy nila.
Hindi pa rin daw nawawala sa pamilya ni Dolphy ang kaba na nararamdaman nila lalo na at mahina na ang katawan ng ama para sa mga baong procedure na gagawin sa kaniya. Masaya naman si Eric Quizon dahil nakikita niya na kinakaya naman ng ama ang hirap at sakit na nararamdaman nito. Kitang-kita raw ang malaking naging improvement ngayon sa blood pressure at heart rate ni Dolphy simula nang sumailalim siya sa tracheostomy. Natutuwa rin sina Eric at mga doktor dahil hindi na rin umano madalas bumaba ang blood pressure katulad ng dati na kinakatakot nila sa kalagayan ng amang si Dolphy. Nilinaw din ni Eric Quizon na nananatili pa rin na nasa Intensive Care Unit ang ama taliwas sa mga lumabas na balita.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga doktor ni Dolphy sa pag-aaral ng sitwasyon ng ama ni Eric dahil marami pa rin umanong fluctuation sa kaniyang kalusugan at maging sa vitals nito. Kinakaya rin umano ni Dolphy ang dialysis nito kaya ipapagpatuloy pa ito dahil maganda ang pagtanggap ng kaniyang katawan dito. Kitang-kita naman ni Eric Quizon kung gaano nahihirapan ang ama sa mga procedure na gingagawa sa kaniya pero nananatili pa rin silang positibo sa resulta. Ikinumpara naman ng aktor at direktor ang kaniyang pamilya bilang cheering squad ng kaniyang ama sa loob ng ICU.
Tiningnan naman ni Eric ang positibong epekto ng dami ng kanilang pamilya sa pinagdadaanan ng kaniyang amang si Dolphy dahil kitang-kita umano sa mga magkakapatid ang suporta sa isa’t-isa. Naniniwala si Eric Quizon na maaaring nakakatulong kay Dolphy kapag nakikita niya ang mga anak niya na nagtutulungan. Maging ang longtime partner ni Dolphy na si Zsa Zsa Padilla ay hindi nawawala sa paningin ng kaniyang ama kung kaya malaking tulong din daw ito sa King of Comedy. Nakakahinga din umano ngayon sina Eric dahil sa mga positibong senyales na ipinapakita ni Dolphy. Aminado si Eric Quizon na malaki ang deperensya ng mga balitang natatanggap nila noon sa mga doktor ni Dolphy kumpara sa mga dumaraming positibong balita ngayon.
0 comments:
Post a Comment