Hindi na muna makikita si Amy Perez sa kaniyang programang Face to Face na kilalang public-service show sa TV5. Tatlong buwan nang ipinagbubuntis ng host ang kanilang ikalawang anak ng partner na si Carlo Castillo. Pansamantalang nagpapahinga si Amy para na rin umano hindi maapektuhan ang kaniyang maselang pagbubuntis sa kanilang anak ni Carlo. Hindi itinanggi ni Amy Perez na nahirapan siyang magdesisyon sa kaniyang pansamantalang pag-alis sa naturang programa na halos dalawang taon nang umeere. Na-gulty rin umano si Amy ngunit nagpaalam na rin naman daw siya sa management na balak talaga nila ni Carlo Castillo na magbuntis siya ngayong taon.
Masaya rin si Amy dahil hindi naman siya nakarinig ng pagpigil mula sa kaniyang management dahil simula pa lamang ay sinabi na ng host na mas gusto niyang unahin ang kapakanan ng kanilang pamilya ni Carlo. Malaki naman daw ang pasasalamat ni Amy Perez sa TV5 dahil sa suportang natatanggap niya sa kanila dahil inintindi rin umano nila ang kalagayan niya bilang isang ina at asawa. Ito na ang pangatlo sana nilang anak ng partner niyang si Carlo Castillo ngunit hindi pinalad ang pangalawang beses niyang pagbubuntis dahil nakunan siya ng mga panahong ito. Ang panganay niyang si Adi na anak niya sa dating asawa na si Brix Ferraris ay 15-taong-gulang na samantalang ang pangalawang anak niya na si Kyle at tatlong-taong-gulang pa lamang.
Doble pag-iingat na ngayon ni Amy Perez dahil ayaw na nilang mangyari ang kanilang kinakatakot. Kasalukuyang 46-taong-gulang na si Amy Perez kung kaya iniiwasan niya na ang magbuhat ng mga mabibigat na bagay, mapagod at maging ang mga masyadong matatamis na pagkain na maaaring makaapekto sa kaniyang pagbubuntis. Hindi niya rin daw sinabi agad sa management ang kaniyang pagbubuntis dahil na rin sa napagkasunduan nila ni Carlo Castillo. Nais raw kasi ng dalawa na makasiguro sa magandang kalagayan ng sanggol bago sila magpaalam na mag-leave sa programa.
Napagkasunduan din nina Amy at Carlo na kapag nalampasan nila ang delikadong estado ng kaniyang pagbubuntis ay doon na nila sasabihin sa management dahil malaki ang posibilidad ng miscarriage sa mga panahong ito. Aminado si Amy Perez na mahirap ang sitwasyon nila ni Carlo Castillo dahil bagamat anim na taon na silang nagsasama ay hindi pa rin sila pwedeng magpakasal dahil hindi pa annulled ang kasal ng host sa dati nitong asawa.
Nalulungkot din siya dahil noong 2001 ay nagpetisyon siya na ma-annul ang kasal sa dating asawa at nasundan pa ito ng isa pang petisyon noong 2006 ngunit pareho itong hindi pinayagan ng korte. Sa ngayon ay mas iniisip ni Amy Perez ang karapatang legal ng kaniyang mga anak dahil hindi magtatagal ay planong ampunin ni Carlo Castillo ang panganay niyang anak.
0 comments:
Post a Comment