Kinumpirma mismo ng Malacañang na kasama na ang namayapang Comedy King na si Dolphy sa listahan ng mga nominado para sa karangalan bilang isang National Artist. Namayapa si Dolphy noong July 10 dahil sa kumplikasyon ng sakit nitong COPD o Chronic Obstructive Pulmonary Disease. Titingnan naman kung makakapasa si Dolphy sa screening na isasagawa ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA. Matagal nang isyu ang pagbibigay ng karangalan bilang National Artist kay Dolphy ngunit hindi ito naibigay sa kaniya noong siya ay nabubuhay pa. Para sa pamilya ni Dolphy, hindi na nila iniisip ang naturang parangal dahil mas mahalaga umano ang ibinigay na saya ng kokmedyante sa mga Pilipino.
Binigyan na rin ng clearance ang NCAA ng Office of the Solicitor General para ipagpatuloy ang screening ng mga nominado para sa National Artist ng taong 2012. Iniwasan naman ng Palasyo na magbigay pa ng ibang impormasyon dahil ayaw naman umano nilang maimpluwensiyahan ang desisyon ng NCCA. Hindi naman kaila sa mga tao na mataas ang tingin ng Pangulo ng bansa kay Dolphy pero iniiwasan lamang nila na maapektuhan ang pagdedesisyon sa pagbibigay ng National Artist award sa namayapang aktor.
Ayon sa batas ng bansa, isang beses lamang sa tatlong taon maaaring magbigay ng parangal na National Artist. Noong 2009 ay lumabas na ang pangalan ni Dolphy sa nominasyon bilang National Artist ngunit hindi umano ito nakapasa sa mga ginawang screening. Kinumpirma naman ni Cecile Guidote-Alvarez sa isang panayam na may isang dating opisyal ng Cultural Center of the Philippines ang pumigil sa nominasyon noon ng Comedy King na si Dolphy. Ang tinutukoy umano niya ay ang dating presidente ng CCP na si Dr. Nicanor Tiongson, isang film professor sa University of the Philippines. Maging ang chairman noon ng  Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay pinigilan din umano ang nominasyon ni Dolphy sa pagiging National Artist.
Pinigilan umano ito dahil gumanap si Dolphy sa ilan niyang mga pelikula bilang isang bakla. Ipinaliwanag naman ni Dr. Nicanor ang mga nabanggit ni Cecile dahil hindi raw maaaring maimpluwensiyahan ng isang tao ang iba pang miyembro ng screening process sa pagiging National Artist ng mga nominado. Naging misleading daw ang sinabi nito patungkol sa pagkatanggal ng pangalan ni Dolphy. Aniya taong 2009 pa isinagawa ang screening na ito at wala umano siyang personal na galit kay Dolphy dahil isa  umano itong mabuting tao. Pinaliwanag niya na bilang bahagi ng committee ay ibinahagi niya lamang ang kaniyang opinyon sa mga pelikulang ginawa ni Dolphy.
Sa mga naging panayam kay Dolphy noon patungkol sa National Artist award ay hindi niya itinanggi na gusto niyang makatanggap nito habang siya ay nabubuhay pa. Nilinaw ni Dolphy na kung sakaling hindi naman siya mabigyan ay hindi naman ito ikasasama ng kaniyang loob. Ayon sa anak ni Dolphy na si Ronnie Quizon, ang pagmamahal at pagrespeto na ipinakita ng bansa sa kaniyang ama noong ito ay nabubuhay pa at ngayong ngang pumanaw na ay mas higit pa umano sa isang mataas na parangal katulad ng pagiging National Artist.Â
0 comments:
Post a Comment