Nagpapasalamat si Eric Quizon sa mga nagmamahal sa amang si Dolphy dahil sa mga magagandang tribute na ibinigay sa kaniya. Ang tatlong malalaking network ay pinasalamatan din ni Eric dahil bagamat isang kilalang Kapamilya o ABS-CBN talent si Dolphy ay hindi ito naging hadlang para pasalamatan nila at bigyan ng magandang pagkilala ang Hari ng Komedya. Simula nang magkasakit si Dolph ay walang tigil na rin ang pagbigay ng interview ni Eric Quizon sa iba’t-ibang istasyon. Kahit daw sa labas ng Makati Medical Center kung saan na-confine si Dolphy ay nakikita niya ang pagkakaisa ng mga network para tulungan silang ipaalam sa mga tao ang kalagayan ng kaniyang ama noong ito ay nabubuhay pa.
Walang-sawang nagpasalamat si Eric sa mga taong nagbigay ng panalangin sa kalusugan ni Dolphy dahil nabigyan daw sila ng pagkakataon na makasama pa nang sandali ang kanilang ama kahit pa hirap na hirap na ito sa kaniyang kalagayan. Dito rin nakita ng pamilya ni Dolphy kung gaano kalaki ang impluwensya ng ama sa  mga Pilipino. Inamin ni Eric Quizon na dito nila nalaman ng mga magkakapatid kung gaano kaimportante at kamahal si Dolphy ng kaniyang mga taong pinasaya. Ikinatuwa rin nila ang pinakitang pagbubuklod at pagkakaisa para sa Comedy King.
Maging ang mga kilalang TV network sa bansa ay nagkaisa rin dahil sa impluwensya ni Dolphy. Maging ang print at online media ay nagbigay din ng pugay sa namayapang ama ni Eeric Quizon. Sa ginanap na necrological service sa Dolphy Theater ng ABS-CBN ay marami ang nakapansin sa iba’t-ibang representative ng halos lahat ng media na nasa loob ng teatro. Minsan lang umano ito mangyari lalo pa at sa loob pa mismo ng Kapamilya station ito naganap na dinaluhan ng iba’t-ibang Kapamilya stars na nakasama ni Dolphy sa kaniyang pamamalagi rito. Masaya si Eric dahil pinayagan ng ABS-CBN executives na pumasok ang kanilang mga kakumpetensya sa naturang kaganapan.
Umaasa si Eric Quizon na maulit pa raw ito kapag natuloy ang kanilang binabalak na malaking tribute para sa kaniyang amang si Dolphy. Nakausap raw kasi nito ang mga executives ng ABS-CBN at may plano sila gumawa ng isang kakaibang tribute sa namayapang komedyante. Magiging posible umano ito kapag pinagsama na ang lahat ng mga nagawang programa at pelikula ng kaniyang ama. Ayon kay Eric, kinakailangan umano ang lahat ng networks dito dahil may ibang properties na pampelikula ang ama na pag-aari ng iba pang media outfit. Ang pagsasamang at pagkakaisang katulad nito ay iniaalay nila kay Dolphy.
Halos apat na dekadang naging talent si Dolphy ng ABS-CBN kung saan nagkaroon siya ng kaniyang kauna-unahang TV show na Buhay Artista. Taong 2005 ay lumipat naman ito sa TV5 kung saan gumawa ng sitcom na Pidol’s Wonderland ayon kay Eric. Nakasama rin si Dolphy sa pelikulang Rosario na pelikula ng Kapatid network. Nakatrabaho naman ni Dolphy ang ilang artista ng Kapuso network partikular na si Vic Sotto. Ito ang inaabangan ni Eric Quizon dahil alam niyang matutuwa ang ama sa mga planong ito.
0 comments:
Post a Comment