May aabangan na ang Piolo fanatics tuwing Linggo dahil itatampok ng Cinema One ang kanyang mga romantic films sa Romance Central Block ngayong Enero. Abangan ang "9 Mornings", "Paano Kita Iibigin", "Milan", at "Till There Was You".
Ang 2002 film ni Jose Javier Reyes na "9 Mornings" ay isang romantic comedy na pinagbibidahan nina Piolo at Donita Rose. Tungkol ito sa buhay ni Gene, isang obsessive-compulsive na event organizer na ang tanging layunin sa buhay ay kumita ng maraming pera matapos makaharap ang isang trahedya na nagtulak sa kanyang kalimutan nang may Diyos. Hanggang sa iwanan siya ng pamana ng kanyang namatay na lola ngunit makukuha niya lamang ito kung tatapusin niya ang siyam na simbang gabi, isang tradisyong hindi niya pinaniniwalaan. Ipapalabas ito sa January 6, 6:00 p.m.
Ang "Paano Kita Iibigin" ni Joyce Bernal noong 2007 ay pinagbibidahan ni Piolo at ni Regine Velasquez. Umiikot ito sa buhay nina Martee (Regine), isang minalas sa trabahong single mother at Lance (Piolo), isang mayamang may-ari ng resort. Nagkita ang dalawa nang tumungo si Martee kasama ang anak sa resort ni Lance upang doon panandaliang magbakasyon ngunit mamalasin siya muli nang masira ng anak niya ang mamahaling motorsiklo ni Lance. Dahil sa kawalan ng pambayad, pagtatrabahuhan ito ni martee. Tampok din sina Eugene Domingo, Erich Gonzales, at Iya Villania sa "Paano Kita Iibigin" na ipapalabas sa January 13, 6:00 p.m.
Mula sa direksyon ni Olivia Lamasan ang 2004 blockbuster hit na "Milan" na kinatatampukan nina Piolo at Claudine Barretto at kinunan sa iba't-ibang siyudad ng Italy. Tungkol ito sa dalawang Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na nakahanap ng pag-ibig at kasiyahan sa isa't isa. Dahil sa pagganap nina Piolo at Claudine bilang sina Lino at Jenny, naiuwi nila ang Best Actor at Best Actress awards mula sa FAMAS at naging nominado ang pelikula sa Best Picture. Ayon sa isang review na isinulat sa Showbizpinoy.com, "Mahusay ang pag-arte ni Piolo dahil ramdam ng mga manonood ang lungkot, desperasyon at pangungulila niya bilang manggagawa sa ibang bansa." Tampok din sa pelikula sina Iza Calzado, Ryan Eigenmann, and Lotlot de Leon at ipapalabas ito sa January 20, 6:00 p.m.
Muling nagsama sina Piolo at Judy Ann Santos sa kanilang pangatlong blockbuster hit na "Till There Was You" mula sa direksyon ni Joyce Bernal. Hindi akalain nina Joanna (Judy Ann) at Albert (Piolo) na ang isang maikling tagpo nila sa bus ang babago sa kanilang buhay. Dahil sa librong may litrato na naiwan ni Joanna sa bus na itinago ni Albert ng ilang taon, inakala ni Pippa, anak ni Albert na ang babae sa litrato ang kanyang nawawalang ina. Ipapalabas ang "Till There Was You" sa January 27, 6:00 p.m.
Simulan ang taon na puno ng pagmamahal sa Cinema One Romance Central Block tampok si Piolo Pascual, tuwing Linggo, 6:00 p.m. Ang numero unong cable channel sa bansa, Cinema One (Skycable Ch. 56) ay available sa Skycable Gold, Skycable Silver at iba pang cable operators sa bansa. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.facebook.com/Cinema1channel.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon