Tila nakapag-move on ang binatang aktor na si Albie Casiño at nakakita na ng bagong pag-ibig. Nauugnay ngayon ang binata sa model-actress na si Dawn Balagot na co-star ng binata sa kaniyang bagong pelikula. Kitang-kita naman na magkahawak pa ng kamay sina Dawn at Albie nang sila ay lumabas sa sinehan ng isang kilalang mall sa Makati City. Agad naman nilang binitiwan ang kamay ng isa’t-isa nang makita nila ang mga taong nag-aabang sa kanilang paglabas. Si Dawn Balagot ang leading lady ni Albie Casiño sa pelikulang The Animals na isang indie film na entry para sa Cinemalaya.
Pamilyar sa ilan ang dalagang si Dawn dahil isa siyang print ad model na ipinareha noon kay John Prats sa dating comedy series na Parekoy. Nang tanungin naman ang binata kung exclusively dating ba ang kasalukuyan nilang estado ni Dawn Balagot ay hindi ito agad nakapagsalita. Pero sinagot naman ito ng binata habang nakatingin sa kaniya ang dalaga na nasa tabi niya. Ayaw naman daw sabihin ni Albie Casiño na siya ay single pero maaari niyang kumpirmahin na exclusively dating nga sila ng modelo.
Nang tanungin naman ito kung ano ang mga nagustuhan niya kay Dawn Balagot ay tumatawa umano ito sa lahat ng mga jokes ng aktor at tila isa lamang sa kaniyang mga barkada kung kumilos. Madali rin daw makasundo ni Albie Casiño ang dalaga kung kaya walang nagiging problema sa kanilang dalawa. Naging mas malapit naman daw sina Albie at Dawn sa isa’t-isa dahil madalas silang magkasama at magkasundo. Kahit wala raw silang pelikula ay nagkakasama pa rin sila bilang magkaibigan.
Halos isang taon na rin daw ang nakakalipas simula nang maghiwalay sina Albie Casiño at dati nitong nobya na si Andi Eigenmann. Sinasabing ang binatang aktor ang ama ng anak ng dalaga ngunit hindi raw ito pinanindigan ni Albie kung kaya nagkaroon ng hindi magandang relasyon ang pamilya ng dalawa. Kailangan na raw kalimutan ng mga tao ang nangyari sa kanila noon ng dati niyang nobya dahil nakapag-move on na rin naman daw sila pareho.
May kissing scene sina Albie Casiño at Dawn Balagot sa kanilang pelikula at aminado ang dalawa na hindi naging madali ang naturang eksena. Parehong first timers sina Albie at Dawn pagdating sa ganitong eksena kung kaya hindi raw nila alam ang gagawin nila noong una lalo na at sa harap pa ng kamera. Kinakabahan daw noon ang aktor dahil natatakot siya dahil baka hindi maging kumportable ang napapabalitang nobya sa eksena.
Ang pelikula nina Albie Casiño at Dawn Balagot ay binigyan ng rating R-16 ng MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board. Umiikot ang istorya sa naging buhay ng mga high school student na nabago ang buhay dahil sa isang party. Gaganap bilang magkasintahan sina Albie at Dawn sa pelikula. Ang mga sensitibong isyu katulad ng drug abuse at rape ay isinama sa istorya ng pelikula. Maging si Dawn Balagot ay hindi rin nagsasalita patungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon ni Albie Casiño.Â
0 comments:
Post a Comment