Lalong lumalala ang hidwaan sa pagitan nina Annabelle Rama at Chito Alcid dahil kamakailan lang ay ipinablotter na ng showbiz reporter ang talent manager. Matatandaang nagkaroon ng kaguluhan noon sa lamay ni Comedy King Dolphy nang mag-away sina Annabelle at Chito. Maraming artista ang nakasaksi sa paghahabulan ng dalawa sa loob ng dining hall sa Heritage Memorial Park. Parehong humingi ng paumanhin sina Annabelle Rama at Chito Alcid sa pamilya Quizon dahil sa naganap na kaguluhan. Maaari naman daw na mauwi sa demandahan ang nangyari dahil nagbanta ang showbiz reporter na si Chito na magsasampa siya ng kaso laban kay Annabelle matapos niyang ipa-blotter ang insidente sa Taguig police station.
Pinag-aaralan na ng kampo ni Chito Alcid na magsampa ng frustrated homicide at libel laban kay Annabelle Rama. Nanindigan naman ang manager na hindi niya uurungan ang mga pagbabanta ni Chito. Maging siya ay magdedemanda rin sa nakaaway na reporter at hinding hindi umano siya hihingi ng tawad dito. Sinasabing matagal na ang naging iringan ng dalawa at lalo lamang daw ito lumalala nang magkita muli sila sa naturang lamay.
Ang gabing iyon ay nakalaan sa pagtitipon ng mga artistang naging bahagi ng Sampaguita Pictures kung saan nagsimulang sumikat ang Hari ng Komedya. May mahigit na sampung mesa sa loob ng dining area at magkahiwalay na nakaupo rito sina Annabelle Rama at Chito Alcid. Kasama ng manager ang kaniyang asawa sa mesa at iba pang mga kaibigan. Samantalang si Chito naman ay kasama sina Amalia Fuentes na kilala ring nakaaway noon ni Annabelle.
Ayon sa mga nakasaksi sa insidente ay nagsimula umano ang kaguluhan nang magpang-abot sina Annabelle Rama at Chito Alcid sa comfort room na parte pa rin umano ng dining area. Ayon sa mga naging pahayag ni Annabelle, hinihintay niya raw noon ang kaniyang asawa sa labas ng comfort room nang sugurin umano siya ni Chito. Nang makita umano ng reporter si Annabelle ay binastos daw siya nito kung kaya hinampas niya ng Kleenex si Chito. Dito na nagsimulang sigawan ni Annabelle Rama si Chito Alcid na narinig na ng maraming bisita.
Nakita rin daw na naghahabulan pa ang dalawa pagdating sa dining area. Sumisigaw rin umano si Annabelle ng âkutsilyo, kutsilyo!,â ngunit wala umanong nag-abot sa kaniya nito. Paglilinaw ni Chito sa isang panayam ay wala umanong katotohanan na binastos niya ang manager nang sila ay magkita sa labas ng comfort room. Tumalikod lamang siya at hindi na nagsalita o nagpakita ng pagkainis at matapos nito ay hinampas na siya ni Annabelle Rama at pinagmumura. Nakita niya rin daw na kumuha ito ng kutsilyo kung kaya tumakbo na si Chito Alcid palayo.
Kumuha rin daw si Annabelle ng tungkod na pagmamay-ari ng isa sa mga bisita at tinangka siyang paluin nito. Depensa naman ng talent manager, ginawa niya ito dahil hahampasin daw siya ni Chito ng dala-dala nitong iPad. Sa gitna ng paghahabulan ng dalawa ay natapilok si Chito Alcid hanggang ito ay tuluyang natumba. Nabanggit din ni Annabelle Rama sa kaniyang tweet na walang tumulong sa reporter nang ito ay bumagsak sa sahig. Pinigilan naman nina German Moreno at Chavit Singson si Annabelle at inilayo na kay Chito. Nakunan naman ang insidente ng isang camera crew ng ABS-CBN kung kaya nakita ng mga manonood ang mga nangyaring panunugod.
Ang isa umano sa mga naging dahilan kung bakit mainit ang  ulo ni Annabelle Rama kay Chito Alcid ay dahil sa hindi magagandang isinusulat nito sa kaniya at pati na sa kaniyang mga anak sa showbiz. Sinabihan rin ni Annabelle si Chito sa pamamagitan ng kaniyang Twitter account na huwag pakikialaman ang buhay ng kaniyang mga anak dahil wala itong kasalanan sa kaniya. Kasama ni Annabelle Rama na umalis ang asawang si Eddie Gutierrez habang naiwan naman si Chito Alcido sa Heritage Park kung saan naabutan siya ng mga kapwa reporter at nagpaunlak naman ng isang panayam.
0 comments:
Post a Comment