Tila bukas na nga ang dalagang aktres na si Angelica Panganiban sa totoong estado ng kanilang relasyon ni John Lloyd Cruz. Kamakailan lang ay marami ang nagulat sa inilabas na litrato ni Angelica sa kaniyang Instagram account kung saan kasama niya rito ang binatang si John Lloyd. Tila isang simpleng picnic ang naganap sa isang tahanan kung saan tila nag-ihaw ng isda at uminom ng wine ang dalaga at ang aktor noong hapon ng Linggo. Nakalagay sa larawan ang mga salitang, “Perfect Sunday” at “According to the guy in pink”. Ang binabanggit ni Angelica Panganiban na nakasuot na pink ay si John Lloyd Cruz na nakaupo sa kaniyang tabi.
Agad namang kumalat sa iba’t-ibang websites at social networking sites ang Instagram photo na inilabas ni Angel kung saan kasama niya si John Lloyd. Kabilang na rin dito ang post ni Darla Sauler na isang kilalang empleyado ng ABS-CBN sa kaniyang blog. Dito ay nabanggit ni Darla na masaya siya sa kasalukuyang estado ng puso ni Angelica Panganiban kahit pa wala itong ginagawang kumpirmasyon. Patuloy naman daw pinagdadasal ng blogger ang kaligayahan ng dalagang aktres. Aniya, ang tinagurian umanong King at Queen ng Star Magic na sina Angelica at Lloydie ay bagay na bagay. Umaasa rin umano ito na sana ay maging masaya na rin ang ibang tao para kay Angelica Panganiban at sa bago nitong pag-ibig.
Isa pang litrato ang inilagay ni Angelica Panganiban sa kaniyang Instagram at Twitter accounts kung saan pinagsama-sama ang larawan ng isang tuta, barbecue, bata at dalawang taong naliligo sa swimming pool na tila si John Lloyd Cruz at kasama ang isang bata. Nakalagay rin ang mga salitang “âI love Sundays!!! Moment talaga sya!!â, kung kaya marami sa mga tagahanga at followers ng dalaga ang nag-react sa litratong lumabas. Isang Twitter user ang nagsabing ang binata umanong nakatalikod at naliligo ay halatang-halata na si John Lloyd.
Matatandaang nagsimulang maugnay si Angelica Panganiban at ang binata nang pumunta sila sa Vietnam para gumawa ng isang pelikula na magsisilbing 20th anniversary offer ng Star Magic. Ang isyung ito ay lumabas sa kalagitnaan ng balitang paghihiwalay ng aktres sa anim na taon nitong nobyo na si Derek Ramsay. Samantalang ang dating nobya naman ni John Lloyd Cruz na si Shaina Magdayao ang kinumpirma ang kanilang hiwalayan ng binata noong Mayo 3. Itinanggi naman niya na si Angelica ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ng aktor.
Lumabas din ang pangalan ni John Lloyd nang makumpirma ang tuluyan nang paghihiwalay ni Angel at Derek sa publiko. Itinanggi naman ito ng dating nobyo ng aktres dahil wala umanong kinalaman ang co-star ni Angelica Panganiban sa kanilang paghihiwalay. Sa isang panayam sa dalaga ay sinabi niya na hindi niya masisisi ang mga tao kung nabibigyan ng kulay ang kanilang relasyon ni John Llody Cruz. Aniya, kung noon umano ito nangyari ay hindi naman mag-iisip ng iba ang ilan dahil pareho silang may karelasyon noon ng binata.
Full Story @ Tsismoso
0 comments:
Post a Comment