Matapos ang limang buwan ng walang humpay na pasabog, drama, sorpresa at 29 housemates na lumisan sa Bahay ni Kuya, napangalanan na ang apat na housemates na makakarating sa "PBB Unlimited: Big Night at the Grandstand", isang gabi ng selebrasyon ng galing at talento ng Pinoy ngayong Sabado (Mar 31), 9:30 p.m. sa Quirino Grandstand.
Sa pamamaalam ni Divine sa huling eviction night kagabi (Mar 28), nabuo na nga ang Big Four ng edisyon na sina Biggel, Pamu, Paco, at Slater na nakakuha ng pinakamalalaking porsyento ng mga boto sa ginanap na isang oras na botohan noong isang gabi. Isa sa kanila ang tatanghaling Big Winner ng kasalukuyang edisyon ng pinakamatagumpay na reality show ng bansa.
Pinakabata sa housemates ang "Promdihirang Tisoy ng Marinduque" na si Biggel na nagmula sa simpleng pamumuhay sa bukid. Bagama't minsan ay hindi matapang na ipinapahayag ang saloobin, nakitaan siya ng tatag at sigasig na maabot ang mga pangarap, kabilang na ang kanyang inaasam na scholarship.
Gaya ni Biggel, hindi rin lumaki sa karangyaan ang 20 taong gulang na si Pamu, ang "Kitikiti Kid ng Batangas." Nakilala man bilang kalog, hindi siya natakot na lumaban sa mga mapang-aping Don at Donya at sa pagpapahayag ng nararamdaman sa ex-housemate na si Kevin.
Pinaka-tumatak naman sa publiko ang pagiging house player ni Paco, ang "Hopeless Romantic ng Gensan," na naging katuwang ng taong bayan sa pagsubok sa katahuan ng housemates. Pinakita niya ang pagiging isang magaling na pinuno ng dating Team Wayuk na marunong dumiskarte sa kanilang tasks.
Nasaksihan ng mga manonood ang prinsipyo ng "Hotshot Engineer ng Cebu" na si Slater sa simula pa lang ng programa. Sawi man sa huling pagsubok na 'Big Shot for a Fifth Slot,' nakakitaan ito ng pagiging mabuti at mapagparaya na handang tumulong sa mga kasama.
Patuloy na kilalanin ang Big Four housemates sa huling dalawang araw ng pananatili nila sa Bahay ni Kuya at abangan kung paano ang paraan ng pagboto sa inyong Big Winner. Sino kaya kina Biggel, Pamu, Paco, at Slater ang susunod sa yapak ng mga ordinaryong Pinoy na kinilala, umangat, at naging Big Winner?
Salubungin ang pinakabagong PBB Big Winner sa "PBB Unlimited: Big Night at the Grandstand" tampok ang hindi mapapantayang galing ng performances ng mga kampeon at finalists ng iba't ibang talent at reality shows ng ABS-CBN na sina Melai Cantiveros, Jason Gainza, Matt Evans, XB Gensan, Bugoy Cariño, at marami pang iba.
Tutukan ang huling dalawang araw ng "Pinoy Big Brother UnliDay" kasama si Bianca Gonzalez sa Kapamilya Gold pagkatapos ng "Angelito: Batang Ama" at sa "Pinoy Big Brother UnliNight" kasama si Toni Gonzaga pagkatapos ng "Dahil sa Pag-ibig" sa Primetime Bida. Patuloy pa ring tutukan ang "PBB Unlimited Updates" ni Robi Domingo tuwing "Angelito: Batang Ama" at "E-Boy" sa ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang kanyang Secretary sa @OfficialPBB4 sa Twitter o i-like ang www.facebook.com/OfficialPinoyBigBrother.
Alamin kung kaninong pangarap ang matutupad sa "PBB Unlimited: Big Night at the Grandstand" sa ABS-CBN, live mula sa Quirino Granstand sa Maynila, 9:30 p.m. By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment