Kumain ng tamilok at kuliglig, nag-fire dancing, lumambitin sa isang nakalawit na hoola hoop, at nag-synchronized swimming ang "It's Showtime" hosts na sina Anne Curtis at Karylle para sa taunang talent showdown ng hosts sa Kapamilya noontime show noong Lunes (Oct 22).
Naging sirkero ang magkapareha para sa ikatlong anibersaryo ng programa na dinoble pa ang excitement dahil para sa taong ito, magkakapares o grupo ang magpapasiklaban para sa premyong P100,000 para sa kanilang napiling charity.
Kahapon naman (Oct 23), nang-aliw ang magka-partner na sina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz sa isang mala-karaoke at makulay na sing and dance number tampok ang sikat na kantang Oppa Gangnam Style, at sina Cristine Reyes, Bugoy Carino, at ang Sexbomb Girls.
Lalabanan ng dalawang tandem ang kapwa hosts na sina Vhong Navarro at Billy Crawford, Vice Ganda at Jhong Hilario, Kuya Kim Atienza at Ryan Bang, at ang team nina Coleen Garcia, Eric 'Eruption' Tai, at Baby Joy na magpe-perform din sa linggong ito. Anu-anong pasabog kaya ang kanilang ihahain sa madlang people?
Muli namang nasilayan ng madlang people ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano na nagbabalik-Kapamilya bilang isa sa mga hurado sa pasiklaban week kasama sina Jericho Rosales, Eula Valdez, at ang talent managers na sina Alfie Lorenzo at Cornelia Lee o Tita Angge.
Mamarkahan din ng naturang talent showdown sa "It's Showtime" ang pagsisimula ng bagong season na mas sisiksik pa sa mga bagong pakulo at sorpresa para sa solid Showtimers.
Bago pa man ang pasikatan ng hosts ay itinanghal nang kampeon ang Gollayan family ng Santiago, Isabela noong Sabado (Oct 20) sa Bida Kapamilya grand finals laban sa walong pamilya dahil sa kanilang makapanindig-balahibog performance ng classic at modern pop songs. Wagi ng P1 milyon ang mag-anak matapos makakuha ng standing ovation sa mga hurado at madlang people para sa kanilang mala-concert na song and dance performance.
Talagang tinutukan ang pasiklaban ng mga pamilyang Pilipino dahil pumalo ng national TV rating na 16.4% ang "It's Showtime" laban sa kalabang "Eat BUlaga" ng GMA na nakakuha ng 15.5%, base sa datos ng Kantar Media.
Huwag palampasin ang 'pasikatan for a cause' ng 'unkabogable' barkada ng "It's Showtime" Lunes hanggang Sabado, 11:30 a.m. sa ABS-CBN.
By Night Owl || Full Story: Kapamilyanewsngayon
0 comments:
Post a Comment